Wikang Tagalog
- Pamilya Tangkay

- Aug 24, 2018
- 2 min read
Updated: Aug 28, 2018
Gitnang Luzon, Kalakhang Maynila, CALABARZON, MiMAROPA

Ang Wikang Tagalog, na kilala rin sa payak na pangalang Tagalog, ay isa sa mga pangunahing wika ng Pilipinas at sinasabing ito ang de facto ("sa katunayan") ngunit hindî de jure ("sa batas") na batayan na siyang pambansang Wikang Filipino (mula 1961 hanggang 1987: Pilipino).
Populasyon
45 milyon na mga Pilipino
Ang salitang Tagalog ay hinango sa salitang taga-ilog, gáling sa unlaping tagá- na nangangahulugang "katutubo ng" na idinagdag sa harap ng salitang ilog o "Naloy" (Tagal), kaya't may ibig sabihing "mga taong nagbuhat sa matandang Kabihasnan o sa Daluyan ng Tubig. Walang mga halimbawang kasulatan ng orihinal na Tagalog bago dumating ang mga Kastila. Sinasabi ng ilan na marahil sinunog ng mga unang paring Kastila ang mga ito, dahil sinasabi ring masademonyo ang mga halimbawang ito. Kakaunti lámang ang kaalaman tungkol sa kasaysayan ng wikang ito, ngunit sa haka-haka ng mga dalubhasa sa pananalita, katulad nina Dr. David Zorc at Dr. Robert Blust, nagmula ang mga ninuno ng mga Tagalog sa hilagang-silangang Mindanao o sa silangang Kabisayaan, kasama ng mga kamag-anak nitong wika ng mga taga-Gitnang Pilipinas.
Noong 1937, napili ng Surian ng Wikang Pambansa ang Tagalog bilang batayan ng pambansang wika ng Pilipinas. Noong 1939, tinawag ni Pangulong Manuel L. Quezon ang Tagalog bilang ang Wikang Pambansa. Noong 1959, muli itong pinangalanang Pilipino ni Jose Romero, ang Kalihim ng Edukasyon noon, upang mabigyan ang Tagalog ng isa pambansang tatak at diwa, sa halip na pangpangkat-etniko lámang. Subalit hindi nagresulta ang pagpapalit ng pangalan ng Tagalog sa pagtanggap, sa diwang nakadarama, ng mga hindi Tagalog, partikular na ang mga Sebwano, na hindi sumang-ayon sa pagkakapili ng Tagalog bílang wikang pambansa.
May iba't iba pang uri ng diyalekto ang Wikang Tagalog, ito ay ang sumusunod:
1. Tagalog Maynila - May kabagalan ang pagbigkas ng Tagalog sa Maynila at patuloy na nahahaluan pa ito ng mga salitang banyaga; kabílang dito ang mga hiram na mga salita sa Kastila at Ingles ng mga Amerikano.
2. Tagalog Bataan - Ang Tagalog ng Bataan at Zambales ay maitutulad sa Tagalog ng Maynila, bagama't madalas na nahahaluan ng Kapampangan at Pangasinan, pati na rin ang Ilokano, sa gawing kalapit ng Zambales sa Pampanga, Tarlac at Pangasinan.
3. Tagalog Bulacan - Masasabing ang Tagalog Bulacan ay siyang tagalog "makata" na pinatunayan ng mga makakatang manunulat na sibol sa lalawigang ito.
4. Tagalog Batangas (Batangueno) - Ang Batangas ay isa sa pinakamantandang anyo ng tagalog sa ating bansa na pinatunayan ng pagkakaugnay nito sa sinaunang pagbigkas na nakatalâ sa kasulatang tanso taóng 822 A.D. o kilalang LCI (laguna copperplate inscriptions)
5. Tagalog Tanay-Paete - Ang Tagalog ng Tanay-Paete ay pagbigkas na nahubog mula sa pinagsamang salita ng Tagalog at katutubong agta ng nasabing rehiyon.
6. Tagalog Marinduque - Ang Tagalog sa pulo ng Marinduque ay nagpapakita ng pagsasáma ng mga wikain sa Kabisayaan at kabikulan.
7. Tagalog Lubang - Isang anyo ng Tagalog ng Batanggas na dinala ng mga nagsidayong mga taong batanggas sa nasabing pulo.
8. Tagalog Tayabas - Ang Tagalog na binibigkas sa lalawigan ng Quezon at Aurora na dating Tayabas ang pinaka-naiiba sa mga anyo ng Tagalog. Malawak ang paglagom nito ng mga salitang Kastila, Fukyen, at Bikolano.
9. Tagalog Cavite - Nasa hanay ng timog katagalugang kasáma ng Batangas, Laguna, at Quezon ang tagalog ng Cavite.





Comments